Nakikita mo ba ang salamin? Kahit one way mirror yan nandun ka pa rin. Ang mga nasasabi mo patungkol sa ibang tao ay kung ano ka. Kung ano ang tingin mo ay dapat na ginagawa mo o ang gusto mo na hindi mo magawa at nakita mo sa ibang tao. Insekyuridad tawag dun. Berdeng lason. Kamandag. Ahas na lilingkis sa kaugat-ugatan mo kung hindi ka marunong imaniubra sa utak mo at ilabas na waring ihi o isinga mo nalang.
Karamihan sa atin ay mahilig manghusga, magsalita ng masama sa kapwa o kaya gumawa ng kwento para makakuha ng simpatya o kaukulang atensyon. Marami naman ang madaling mahila at madala na kalaunan ay nagsasalita na rin ng iisang lengguwahe o sumasayaw sa tugtuging pinaandar ng may kati sa dila. Nakakasira ito ng sociudad. Ng samahan. Ng pamilya. Ng pagiging magkakaibigan.
Tsismis. Isang dialektong gamit na gamit simula palang ng panahon ni Abraham na kalaunan sa panahon ng Apple at Android ay nanatiling paborito ng mga taong walang kakayahang gumawa ng spaceship. Hindi lang ito nangyayari sa bukid kung saan magkakasunod-sunod sa hagdang nagsisiksik sa ulo ng nasa ibaba, nakaipit sa kanilang mga hita at naghahanap ng kuto at lisa.
Hindi lang sa pila ng mga balde at mag-igib ng tubig.
Hindi lang sa eskwelahan ng mga nakaabang sa uwian ng mga bata.
Hindi lang sa palengke, sa mga naghihintay ng pumakyaw ng paninda.
Nangyayari ito sa lungsod.
Sa mga nakasuot ng mataas na takong, maayos na damit at naka-nameplate.
Oo tama ka, ang tsismis ay nasa ating mga kwelyo. Hangga't hindi mo mapapansin ay mananatiling nakadikit sa iyo. Mantsa. Tag. Stigma.
Karaniwan sa madalas, ito ay sakit na hindi natin alam na dumapo sa atin. At kung hindi mo mapapansin kaagad magiging lason ito na unti-unting papatay ng buong syudad. Oo! Hindi lang brownout, blackout ito! Malawakan! Parang ang pagkalusaw lang ng Atlantis at pagkatanggal sa mapa na hindi na rin inabutan ni Google Map.
Unang sintomas, insekyuridad. Ito ang nagiging umpisa ng lahat. Makati. Mamumula. At kelangang ilabas ng dila. Nakakaalarma sapagkat nakakahawa. Waring airborne, droplets lang. Kapag malakas ang dating, hindi ito kakayanin ng may sintomas kagyat kanya itong sisiraan simula ulo hanggang paa.
Lason.
Sa katotohanan, kapag ikaw ang medyo nagbabalanse palang ng iyong tiwala sa sarili at marahil hindi pa solido, hindi mo kakayanin ang mga malalakas ang dating. Karaniwan, hihintayin mo silang tumalikod at ikaw ay unti-unting lalapit, hawak ang bread knife na may kalawang sa dulo at ibabaon mo ito sa likod ng walang kamalay-malay na tao. Nakakalungkot. Tetanus!
Pangalawa, panliliit.
Pangatlo, panginginig.
Pang-apat, mag-uumpisa ang pamemerde ng iyong balat.
Panglima, magiging berde na rin ang iyong mata, tutubuan ka ng apat na karagdagang paa.
Green monster. Iyon ang tawag sa ingles.
Ito ang salot sa lipunan. Kung hahayaan mo itong mamuhay sa iyo, ang tawag dito ay ego. Kilala mo sya di ba? Kilang-kilala.
Lahat ng kwestyon, irap at tawa ng ibang tao aakalain mong ikaw yun at ang pinakapanlaban mo ay tsismis. Hindi mo kayang makipagsabayan sa usaping spaceship, chemistry at mathematics, pag-uusapan mo ay tao.
Naisip mo bang pabuksan ang ulo mo? Pumasok ba sa isip mo kung gaano kalaki ang utak mo? O ang ganoong pag-iisip hindi rin kakayanin ng kukote mo?
Kung ang we must, we must, we must increase our bust ay para pampalaki ng dibdib, try mo kayang humarap sa salamin at tingnan mo ang buong mundo, kabilang ka dun!
Lahat ng lumalabas sa bibig mo patungkol sa ibang tao, ikaw yun!
Lahat ng ayaw mo sa isang tao, hindi sila yun, ikaw yun!
Kumuha ka ng straw, yung kulay pula kasi valentine's na, ang isang dulo ilagay mo sa ilong mo habang ang isang dulo sa bibig mo.
Ihip ka.
Baka mapalaki mo pa utak mo.
May chance pa habang hindi pa nagugunaw ang mundo.
No comments:
Post a Comment